KABABAANG-LOOB
Pagninilay sa una sa pitong huling salita ni Jesus sa krus
(Luke 23:34)
Nung mga oras na sinasabi ni Jesus itong una sa huling pitong salita bago Siya namatay sa krus, ay marahil, ito na ang pinaka-nakakaantig at pinaka-makabagbag damdamin na sandali, habang sinasambit Niya ang mga ito.
Imagine, kung ikaw nasa kalagayan ni Jesus nung mga sandaling 'yun, at pinapatay ka nang paunti-unti, nagagawa mo pang isipin na mapasa-mabuting kalagayan ang mga taong pumapatay sa 'yo.
Ikumpara natin sa panahon ngayon...
Kung ikaw ay actual na nahaharap sa ganung klaseng sitwasyon.. kung ikaw ay nasa bingit ng kamatayan, magagawa mo kaya yun?
Halimbawa.. napagbintangan kang isang kriminal, o kaya pinaghinalaan kang isang adik, tapos, may operation "tokhang" ang mga awtoridad, pinasok ng mga pulis ang bahay nyo at hinuli ka nila kahit wala kang masamang ginagawa, magagawa mo kayang kumalma? Yung nakatingin ka lang sa kanila tapos, sabihin mong, "Diyos ko, patawarin Mo po sila dahil hindi nila alam ang kanilang ginagawa."?
Baka sabihin pa ng mga pulis na, "Ayy positive! Adik nga 'to." Baka tadyakan ka pa ng pulis, "Ano sabi mo? Di namin alam ang aming ginagawa?"
Sa kasaysayan ng ating pamumuhay dito sa lupa, sa lahat ng mga taong unti-unting pinapatay, si Hesus ang unang nagpakita ng pagpapatawad sa mga taong pumapatay sa Kanya, radical na pagpapatawad.
Palatandaan ng kanyang radical na pagmamahal sa atin, at ito ay sa kabila ng kanyang pagiging makapangyarihan.
Alam nating lahat na si Hesus, ang Diyos Anak, ay makapangyarihan. Hindi lingid sa atin na ang lahat ng bagay at lahat na may buhay ay nilikha sa pamamagitan Niya. Dahil Siya ay Diyos, Siya ang may kontrol sa lahat na mga nangyayari sa ating buhay dito sa lupa.
Pero bakit dito sa pangyayaring ito, sa proseso ng pagparusa kay Jesus sa pamamagitan ng pagpako sa kanya sa krus, ay wala Siyang nagawa para i-defend ang sarili, at gantihan ang mga taong sangkot para ipapatay Siya. Di po ba?
Pero kahit na Siya ay makapangyarihan, hindi Niya ginawang gantihan o parusahan ang mga nagpapatay sa Kanya. Bakit? Dahil kung nagkataon, ito ay kabaliktaran ng Kanyang misyon dito sa lupa, di po ba?
Sa kabila ng Kanyang pagiging makapangyarihan, pinili Niya pa rin na sundin ang kalooban ng Diyos Ama.. ang iligtas tayong kanyang mga nilikha mula sa pagkakasala. At ito ay sa pamamagitan ng pag-sasakripisyo ng Kanyang sarili, ang pag-aalay ng Kanyang buhay. Wala nang makakahigit sa sakripis yong ito.
Photo credits to NBC News
Sa kabila ng Kanyang pagiging Diyos, pinili Niya pa ring ipakita ang Kanyang kababaang-loob upang maging isang ehemplo para sa atin.
Isipin mo, ang ating tagapagligtas ay dumating dito sa mundo na hindi nasa anyo ng isang superhero.. o kaya'y isang napakalakas na mandirigma, o kaya'y isang royal king o makapangyarihang hari, na nasa isang magarang palasyo, maganda at mabango.
Bagkus, ang ating tagapagligtas ay dumating dito sa mundo, sa anyo ng isang sanggol, na tinuturing na pinakamababang elemento ng lipunan, at sa mabahong tirahan pa ng mga hayop.
Ito ay mga palatandaan ng kababaang loob ng Diyos na nais Niyang gayahin natin. Kababaang loob na ipinamalas Niya noong Siya ay nagkatawang tao at taglay-taglay Niya hanggang sa Kanyang kamatayan sa krus para matubos sa pagkakasala ang lahat na sangkot sa Kanyang kamatayan, hindi lang ang mga sundalong Romano, hindi lang ang mga kaparian sa panahong yun, hindi lang si Pilato, hindi lang si Hudas.. pati na rin ikaw at ako.. sila.. tayo.
Ang kababaang-loob na ito ay ipinamalas ni Jesus bilang pagsunod sa kaooban ng Diyos Ama.
Kaya ang hamon sa ating lahat sa panahong ito ay isabuhay ang ipinapangaral ni Jesus na pagpapakumbaba, ang pagkakaroon ng kababaang loob..
Amen..
댓글