top of page
Search
Writer's pictureHi - F

GISING NA!

Updated: May 20, 2022


Meron po tayong kasabihan na “Magbiro ka lang sa lasing, ‘wag lang sa bagong gising.” Dahil baka daw ikaw ay mapahamak.


Pero ayon sa aking karanasan, ito ay kabaliktaran.


Minsan ay biniro ko ang aking asawa na bagong gising: “Heto na ang isang alanganing diyosa at alanganing bruha na kahit walang suklay ay saksakan pa rin ng ganda.” Biro mo, nginitian ako at pinasalamatan pa.


Pero minsang umuwi ako noon galing sa trabaho, nadaanan ko ang ilan kong mga kaibigan na nag-iinuman dahil bertdey nitong isa naming kumpare na mahilig kumanta kahit walang tugtog. Kasalukuyang kumakanta itong birthday celebrant nang biniro ko silang, “Wala na, may nanalo na dito sa Tawag ng Tanggalan!” Napansin ako ng kumpare ko at yun na, pinigil ako at pinakuha pa ang gitara ko sa bahay. Ang nakakaasar, ako pa ang ginawang gitarista nila. Hindi na ako nakatanggi dahil bertdey naman eh. Isa pa, ang sarap kasi ng pulutan nila (hehehe!).



Ang Krus

Ako po ay isang karaniwan lamang. Karaniwang tao na masayahin at yung sinasabi ng iba na mababaw lang ang kaligayahan. Kagaya nyo, ako ay may karaniwang karanasan, at sa araw-araw ay meron ding karaniwang pinapasan (mukhang may katunog na kanta ah!)


Ang tinutukoy po nating ‘pinapasan’ ay ito po ‘yung mga problema natin sa buhay-buhay, problema sa sarili at sa ating kapwa. Bilang mga Kristiyano, ito po yung tinatawag nating ‘Krus’.


Bilang mga taga-sunod ni Jesus na ating Panginoon, ang ‘pagpasan’ natin sa mga ‘krus’ na ito ay naaayon sa Kanyang katuruan na Siya ay sundan. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, ‘Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.’“ (Mateo 16:24).


At ang pagsuway sa katuruang ito ay may kaakibat na kahihinatnan. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin.” (Mateo 10:38)


Photo credits to Pixabay.com


Maagang Nagising

Ang tinutukoy ko po ay ang aking pananampalatayang Kristiyano. Kagaya ng iba, ako ay natutong magdasal at makinig sa salita ng Diyos sa murang edad sa tulong ng mga nadestinong katekista sa aming paaralan. Kahit sarang klase na at wala nang pasok, ang aking pakikinig sa salita ng Diyos ay tuloy-tuloy sa pamamagitan ng aking pagdalo sa mga pag-aaral na ibinibigay ng mga katekista sa aming kapilya tuwing buwan ng Mayo.

Nakatulong din ang pakikinig ko noon tuwing gabi ng mga relihiyosong drama sa radyo para malaman ko ang iba’t-ibang pangyayari na nasusulat sa Old Testament, kagaya ng paglikha ng Diyos sa tao, Ten Commandments, Noah’s Ark, at iba pa.

Sa pag-akay sa akin ng iba kong kamag-anak at kaibigan, ako ay maagang naging kaanib ng Catholic Charismatic movement sa aming parokya.


Sa madaling salita, maaga kong nakilala si Jesus.

Pagiging Tulog

Habang ako ay lumalaki, unti-unting nababaling ang aking atensiyon sa mga gawain ng ating lipunan. Unti-unting nawawala ang aking pansin sa pagpapalago ng aking pananampalatayang Kristiyano bunsod na rin ng mga kulturang makalupa.

Hindi ko napansin na ang ang aking paningin ay nakatuon na pala sa aking sarili lamang. Hanggang sa ako’y unti-unting naging alipin ng mga makasanlibutang pangarap: Ang maging mayaman at maging bantog, maging isang tanyag na celebrity, o kaya ay maging isang Mr. Universe, at iba pang matataas na pangarap.

At nabuo sa aking isip ang pagnanais na purihin lagi ng mga tao.

Gising Na Tulog

Ngunit habang nangyayari ang mga karanasang ito, hindi naman nawawala sa akin ang pag-iwas sa mga masasamang gawain. Nasa isip ko pa rin ang pagtangkilik sa kabutihan lalo na sa kapakanan ng kapwa. Sa aking pakikipaghalubilo sa iba’t-ibang uri ng tao sa ating lipunan ay natutunan ko ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagtutulungan. Hanggang sa ako ay natutong kilalanin ang salitang malasakit para sa bayan.

Ako ay naging kabahagi ng iba’t-ibang samahan ng mga taong may pagmamahal sa bayan. Hanggang sa naging malabis ang pagmamahal na ito sa kaisipang ang pagmamahal sa bayan ay pagmamahal sa kapwa, at ang pagmamahal sa kapwa ay pagmamahal sa Diyos.

Ngunit hindi ko napansin na lalong napalayo ang aking pananampalataya dahil hindi nila masyadong binigyang halaga ang pag-aaral sa salita ng Diyos. Siguro ay dahil na rin magkakaiba-iba ang paniniwala ng mga kasama kong kaanib. Kaya naging katuruan na lang na irespeto ang pananampalataya ng bawat isa.

Tuluyang naging malayo ang puso ko sa salita ng Diyos, lalo na noong napag-aralan ko na ang existence ng lahat ng bagay ay mayroong scientific method. Ngunit ang scientific method of God’s existence ay hindi mapag-aral-aralan dahil ang bibliya, na siyang tanging reference, ay naging hindi reliable source dahil gawa-gawa lang daw ito ng tao. Kaya humantong na lang sa conclusion na “God is a mystery”.

Sa madaling sabi, ako ay naakit ng karunungang pansanlibutan.



Tumangging Gumising

Nang mauso ang Facebook, nagkaroon ako ng mga kaibigan sa group page ng mga agnostic at atheist o mga taong hindi naniniwala na may Diyos, na lalo pang nagpahiwalay sa aking pananampalataya. Sa aking agam-agam noon, lumitaw ang isang tanong ng pagdududa: “Kung totoong may Diyos, bakit hinahayaan Niyang magtalo-talo ang mga tao about His existence?”

Natawa pa ako noon sa pahayag ng isang kaibigan ko na iba naman ang paniniwala.

Noon daw wala pang tao dito sa mundo, mayro’n daw ibang planeta na mas advanced at mas hi-tech pa kaysa planetang Earth. Ngunit ang planetang iyon ay sumabog daw at nawala na. Pero bago daw sumabog yun, merong naglagay ng specie ng tao dito sa ating planeta.

Naimbento na daw noon ang ‘hologram’. Yun daw yung Diyos na nakikita pero hindi mahawakan.

Meron na rin daw ‘antenna’ noon. Kaya daw kailangang umakyat ni Moses sa bundok para makausap ang Diyos ay dahil doon sa bundok, mas malakas ang signal ng kanilang gadget na ginagamit pangkomunikasyon.

Hindi lang daw talaga aware ang tao noon kung ano ang hi-tech na mga bagay at pangyayari. Ngunit sa paglipas ng panahon, ang teoriyang ito ay unti-unting nawawalan ng katuturan dahil walang makakapagpatunay na ito ay totoo at kung paano ito nabuo at nangyari. Ayon pa sa isang kanta, “Dahil ‘di kayang lutasin, hindi na rin pinapansin”. Kaya hanggang sa ngayon, ito ay nananatiling espekulasyon lamang. Patunay na ang karunungan ng tao ay limitado.


Gising Na Ngayon

Habang lumilipas ang panahon, unti-unting napapalitan ng bago ang mga lumang kaisipan na meron ako. Habang nadadagdagan ang aking mga karanasan, nadadagdagan din ang mga gawain sa buhay para patuloy na mamuhay kasama ang aking pamilya.

Ngunit ang Diyos ay sadyang napakabuti! Hindi man natupad ang mga matatayog kong pangarap, pinagkalooban naman ako ng isang buhay na simple at kasiya-siya. Sa huli ay naisip ko na Siya pala ang nagkaloob ng mga kakayahang aking tinataglay, ang tumugtog at kumanta. Di naglaon, naisipan kong ibigay sa Kanya ang pasasalamat at pagpupuri dahil sa biyaya ng mga talentong ito.

Tunay ngang ang Diyos ay mabuting pastol at hindi Niya hahayaang mawala ni isa sa Kanyang mga tupa.

Sa anyo ng mga tinatawag nating biyaya at pagpapala na hindi ko inaasahan ngunit aking natatanggap, unti-unting nabago ang aking pananaw sa buhay lalo na ang aking pananampalataya sa Diyos. (Ang mga detalye ng pagpapalang ito ay aking ipapahayag sa separate na blog)

Sa tulong ng isang kaibigan naming mag-asawa, kami ay naakay na dumalo sa isang Kristiyanong pagtitipon, hanggang sa kami ngayon ay naging full time na lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng kapatirang Joyful Friends of St. Francis Catholic Charismatic Community (JFSF-CCC).

Sa kasalukuyan, ang aking maybahay ay tumutulong sa iba’t-ibang mga gawain sa aming prayer center at ako naman, kasama ang isa naming anak, ay kabahagi ng aming music ministry.

Ang aking ninanais na ibigay ang pasasalamat at papuri sa Panginoon ay naisakatuparan.


Ang Aking Panata

Nabuo sa aking isipan na ang mga pangyayaring ito ay kaloob ng Panginoong Diyos ayon sa Kanyang plano para sa aking buhay. Naniniwala ako na ako ay tinawag Niya para sa isang misyon. Hindi man malinaw sa akin kung sa paanong paraan pero naniniwala ako na ito ay para ipalaganap ang Kanyang Mabuting Balita.

Bilang pagbalik ng pasasalamat sa Panginoong ating Diyos, aking igugugol ang nalalabing sandali ng aking buhay para sa Kanyang kaharian, sa pamamagitan nitong mga kakayahang ipinagkatiwala Niya sa akin. Ang katuparan ng panatang ito ay aking ipinapaubaya sa Kanya at hinihiling sa Pangalan ng ating Panginoong Hesus. Amen!

27 views0 comments

Comentarios


bottom of page